Negosyanteng nambababoy sa Manila Bay babawian ng permit

Dolly Cabreza

Inatasan kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga alkalde ng 178 siyudad at bayan na nakakasakop sa Manila Bay Watershed Area na bawian ng business permit ang mga negosyanteng nagmamay-ari ng mga establisimiyento na lumalabag sa environmental laws.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, nag-isyu si Año ng memorandum na inaatasan ang lahat ng mga alkalde sa National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon na tiyaking nakakasunod ang lahat ng mga establisimyento sa kanilang mga nasasakupan sa National Building Code gaya ng Fire Code, Sanitation Code at iba pang ipinapatupad na batas, regulasyon at polisiya.

Binigyang-diin ni Malaya na ang business o ma­yor’s permit ay isang pribilehiyo na ipinagkaloob sa knaila ng estado at maaaring bawiin ito kapag sumusuway sa mga regulasyon ang mga negosyanteng nagmamay-ari ng mga establisimiyento sa nasasakupan ng isang local government unit.

Upang masiguro ang implementasyon ng mga batas pangkalikasan, inatasan ni Año ang mga DILG regional director ng NCR, Central Luzon at Calabarzon na i-report sa kanya sa pamamagitan ng Bureau of Local Government Supervision ang mga LGU at local chief executive na susuway sa direktiba.