Umaabot sa 23 kaso ng Human Immunodeficiency Virus–Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV/AIDS) ang naitala na sa Negros Oriental mula Enero hanggang Abril ngayong taon.
Ayon kay Dr. Ma. Sarah Tala, Dumaguete City Health Officer, nasa 23 ang kanilang natanggap na kaso ng HIV/AIDS ngayong taon kumpara sa 54 kaso nito sa nasabing lungsod noong 2018 habang nasa 203 na ang kanilang nahawakan simula pa noong 1984 hanggang April 2019 sa buong Negros Oriental.
Nilinaw naman ni Dr. Socrates Villamor, hepe ng Department of Health (DOH) sa Negros Oriental, na mayroong nang 145 katao ang nasawi sa nasabing sakit sa Central Visayas simula 1984 hanggang April 2019.
Nabatid na pangunahing paraan ng pagkakahawa sa HIV/AIDS sa nasabing rehiyon ay dahil sa pakikipagtalik sa kapwa lalaki na nagkaroon ng 159 kaso, female-male sex na may 75 kaso, 39 kaso ng heterosexual sex, at 36 naman ang nahawa dahil sa pag-injection ng droga kung saan marami ang gumamit nito sa Cebu.
Nakipag-ugnayan na ang Dumaguete sa Negros Oriental Provincial Hospital para sa voluntary counseling at testing ng mga pasyente dahil wala silang sariling treatment hub. (Vick Aquino)