NEIC magsasalba sa mga kompanya

Isa pang panukala ang hinuhulma ngayon ni Albay Rep. Joey Salceda – ang National Emergency Investment Corporation (NEIC) – para sagipin ang mga pribadong kompanyang gimewang dahil sa pandemya.

Sa panukalang iniakda ni Salceda, ang NEIC ang mangangasiwa sa mga ‘joint ventures’ na kailangang pasukin ng pamahalaan para tulungan at iligtas ang mga pribadong kompanya sa tuluyang pagbagsak dahil sa mga problemang dulot ng COVID-19 pandemic.

Ang paglikha ng NEIC ay bahagi ng “Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy of the Philippines Act” (HB 6619) na nauna nang inihain ni Salceda, chairman ng House Ways and Means.

Si Salceda na isang kilalang ekonomista at co-chairman ng ‘House economic stimulus recovery cluster, ay author ng ilang mahahalagang batas pang-ekonomiya sa bansa.

Ang HB 6619 ang pinakahuli na ipinasa na ng Kamara kamakailan.

Paliwanag ni Salceda, ang HB 6619 na tinagurian ding National Economic Stimulus Plan, ay magsisilbing “‘asset resolution company” ng gobyerno na ang mandato ay iligtas sa pagbagsak ang mahahalagang pribadong kumpanya. Nakapaloob din dito ang tatlong ‘structural measures’ sa pagsagip ng mga palubog na negosyo – walang interes na pautang, ‘refinancing’ at ang NEIC.

“Bunga ng masikhay naming pag-aaral, ipinanukala namin ang NEIC na angkop sa kalagayan ng bansa natin, upang maprotektahan ang trabaho ng mga manggagawa sa mahalagang kumpanya,” pahayag ni Salceda.

Partikular sa industriyang nais saklolohan ni Salceda sa HB 6619 ay ang turismo at ang tinatawag na “hospitality sector” na pinadapa ng COVID-19, kasama ang mga tourist destinations, hotels, airlines at iba pang negosyong nakasandal sa turismo.