Nene hinalay ni sir, video nag-viral

Dahil sa Facebook viral video­ ng isang estudyante, arestado ang teacher na isa ring chess coach matapos ang pangmomolestiya sa kanyang estudyante noong Linggo sa Ba­guio City.

Ayon kay Baguio City Police Office (BCPO) acting city director P/Col. Allen Rae Co, hindi muna pinangalanan ang suspek na nakakulong ngayon sa BCPO detention cell.

Sinabi ni Co na dahil sa video ng isang JM ay nabisto ang pangmomolestiya ng suspek sa 10-anyos­ nitong pupil na nagresulta sa agaran nitong pagkaaresto.

Sa report ng pulis, unang na-video ni JM ang pangmomolestiya ng suspek sa biktima habang nasa loob ng jeep patungo ng Baguio City mula sa La Trini­dad, Benguet.

Ayon sa ulat, muling nakita­ ni JM ang suspek at biktima sa Burnham Park kung saan namataan nitong hinahawakan ulit ng suspek ang maselang bahagi ng katawan ng bata habang abala ito sa cellphone.

Pagkatapos kuhanan ni JM ng mga larawan at video sa pang­hahalay ay ipinost niya ito sa social media sabay sumbong sa mga pulis na nagresulta sa pagkahuli ng suspek sa Igorot Park.

Ang suspek na titser ng biktima ay nabatid na isa ring chess instructor. (Allan Bergonia)