Kalaboso ang isang 36-anyos na padre de pamilya matapos nitong halayin ang isa sa kanyang anak na babae sa San Francisco, Quezon.

Kamakalawa nang gabi ay ina­resto ng mga tauhan ng San Francisco police ang suspek na kinilala sa pangalang Mario matapos na ito ay ireklamo ng kanyang mismong maybahay na si Shirley.

Batay sa pahayag sa police station ng biktimang si Lanie, 13-anyos, kinder pa lamang umano siya nang simulang halayin ng kanyang tatay.

Paulit-ulit aniyang nangyari ang paglapastangan sa kanya sa tuwing umaalis ang kanilang nanay patungo sa trabaho nito sa Cavite.

Huli umanong nangyari ang panghahalay nitong Biyernes nang umaga habang siya ay nakahiga sa kama sa kanilang kuwarto.

Tiyempong nakita ng nakababatang kapatid ng biktima ang pangyayari at siyang nagsumbong sa kanilang nanay.

Inihahanda na ngayon ang kasong rape laban sa suspek. (Ronilo Dagos)