Pinayuhan ng isang senior congressman sa Kamara ang mga baguhang kongresista na huwag gumaya sa asta ng mga bulakbol na estudyante.
Ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe, hindi dapat sayangin ng mga kagaya niyang kongresista, lalo na ang mga baguhan sa Kamara ang pagkakataon na makapanilbihan at gumawa ng mga hakbanging kapaki-pakinabang para sa taumbayan.
“Alam mo napakahirap mahalal sa Kongreso, madaling sabihin na kongresista ka pero ‘yung ikaw ay makaupo mahirap kasi may kalaban, kailangan mo ng pera o resources kailangan mo rin ng programa.
Ngayong nakaupo ka na binibigyan ka ng oportunidad para magkaroon ng pagbabago ang iyong mga kinakatawan, magkaroon po sila ng bagong pag-asa, e dapat huwag mo nang sayangin ang oportunidad na ‘yan,” pahayag ni Batocabe.
Ang mga nahalal na kongresista aniya ay maaring makagawa ng epektibong reporma partikular na kung ano ang gustong mangyari sa kanilang distrito, sa mga sektor na kinakatawan na puwede aniyang magawa.
“Ngayon kung hindi ka a-attend sa mga komite sa plenaryo sayang, sayang ang oportunidad na ‘yan kasi napakahirap pumasok diyan. Ang mga hindi pumapasok napakalaki na nitong oportunidad na ito sa kanila na nandito sila sa Kongreso, na makapanayam nila ang mga kalihim, ang mga opisyal ng gobyerno at ibang mga tao na you know na may mga pangangailangan sa gobyerno,”