Net income ng Globe tumaas ng 22% noong 2018

Net income ng Globe tumaas ng 22% noong 2018

Pumalo sa P18.45 bilyon ang net income ng Globe Telecom noong 2018, mas mataas ng 22 percent kumpara sa P15.08 bilyon na naitala noong 2017 dahil sa malaking pangangailangan sa data-related services nito.

Ayon sa Globe, ang kanilang consolidated service revenues noong nakaraang taon ay nasa P140.23 bilyon, mas mataas ng 10 percent sa P127.92 bil­yon noong 2017.

“The continued strong revenue performance was once again driven by data-related services across all business segments. This was likewise suppor­ted by Globe’s pervasive 4G/LTE network, and the wide array of content offerings, through its partnerships with industry leaders and global content brands,” pahayag ni Globe Chief Financial Officer Rosemarie Maniego-Eala sa disclosure sa Philippine Stock Exchange (PSE) noong Martes.

Ang mobile service revenues ng kompanya ay umabot sa P106.93 bilyon, mas mataas ng 9 percent sa P98.48 billyon na naitala noong 2017.

Mas mataas naman ng 28 percent sa P55.3 bilyon ang mobile data re­venues kumpara sa P43.06 bilyon na iniulat noong 2017 kung saan tumaas ang mobile data traffic sa 956 petabytes noong 2018 mula sa 600 petabytes noong 2017.

Hanggang noong December 2018, ang mga mobile subscriber ng Globe ay nasa 74.1 milyon, na magiging bagong baseline ngayon ng kompanya dahil sa epekto ng pagpapalawig ng validity ng prepaid load sa isang taon na itinakda ng National Telecommunications Commission (NTC).

Samantala, target ng Globe na gumasta ng P63 bilyon bilang capital expenditures (capex) ngayong taon para sa pagpapalawak ng data network nito sa harap ng malaking pangangailangan ng mga subscriber para sa mobile data services.