Sumiklab ang galit ng mga netizens sa viral video ng isang road rage incident sa P. Casal St., Quiapo, Maynila kung saan isang biker ang napatay matapos pagbabarilin ng nakasuntukang lalaki na sakay ng kotse dakong alas-9:36 ng gabi kamakalawa.
“Let us be the change we want to see in this country… wag natin palalagpasin at hayaan na ‘di mabigyan ng hustisya ang napatay… lets show change para magbago rin mga pasaway sa kalsada,” reaksyon ng Facebook user na si Dezzie Nino sa viral killing na nakuhanan ng CCTV ng Barangay 385 Zone 39.
Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Mark Vincent Geralde, 35-anyos, isa umanong gaming attendant sa hindi pa mabatid na kompanya o establisimiyento, matapos barilin point blank sa ulo at pinagbabaril pa ng tatlong beses kahit nakalugmok na sa kalsada.
Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang lalaking pumatay sa kanya na tumakas sakay ng kulay pulang kotse na Hyundai EON na may conduction sticker MO3746.
Ayon kay SPO2 Charles Duran, may hawak ng kaso, dadalhin sa Camp Crame ang kopya ng CCTV para mapalakihan ang video upang makilala ang suspek.
May hinala rin ang pulisya na maaring pulis o ‘awtoridad’ sa ibang sangay ng gobyerno ang suspek dahil sa istilong ginawa nito. Kitang-kita sa video na hindi kinaya ng suspek sa suntukan ang biktima at pinaniwala umano nito na ayos na sila para makawala sa pagkakasakal ng nasawi ngunit nang bumalik sa kotse ay kinuha ang kanyang .45 caliber revolver at hinabol ang papaalis nang biktima saka pinagbabaril.
“Parang nasaling `yung ego niya kasi kung sibilyan `yun, pagbaba pa lang ng kotse nun babarilin na agad `yun, pati ‘yung buhok niya katulad ng sa amin ang gupit,” ayon kay PO2 Amelito Lopez.
“Ikinakasa na (rin) ngayon sa beripikasyon `yung conduction sticker para isang puntahan na lang, tiyak mahuhuli `yun,” sabi pa ni Lopez.
Malamang nga na mapabilis ang pagtukoy at pag-aresto sa suspek dahil full force ngayon ang mga netizens sa pagsubaybay sa kasong ito.
Sa Facebook page pa lang ng Top Gear Philippines, isang online source ng cars and automotive industry, ay mahigit 7,922 na ang mga nagbigay ng komento tungkol sa insidente na pawang galit sa suspek habang nasa 38,000 naman ang nag-share ng ulat nito dakong alas-6:36 kagabi.
“Bad trip tlaga!!!! This is murder. May gap para mag-isip na babarilin nya. In few seconds that scum bag premeditated!! Dapat dito i-man hunt!!” komento ni Ederson Alfato.
“I seldom make comments on Facebook. But this video really takes my attention. ‘Yung seryoso??! Ganyan na lang ba talaga kadaling pumatay ng tao? Nag-suntukan, natalo, tapos kukuha ng baril? Tsk tsk. Rage really blinds people,” ani Ramjit Myrtle Coza.