Mga laro ngayon (MOA Arena)
4:15 p.m. — GlobalPort vs. Meralco
7:00 p.m. — Star vs. TNT

Itinodo na ng GlobalPort ang balasa para paypa­yan ang kampanya sa PBA Commissioner’s Cup, ­tumapik ng bagong import at humugot sa trades.

Malalaman mamaya sa Mall of Asia Arena kung epektibo ang moves sa pakikipagtipan ng Batang Pier (2-6) sa streaking Meralco (7-1) sa opener.

Sa nightcap, bakbakan ang TNT KaTropa at Star na ipaparada ang balik-import na si Ricardo Ratliffe. Pag-aagawan ng Texters (6-2) at Star (6-2) ang solo fourth.

Bagong salta sa GlobalPort sina Sean Anthony, Bradwyn Guinto at Jonathan Grey, at debutanteng import na si Justin Harper.

Papalitan ni Harper, nakalistang 6-foot 10 at 225 lbs, si Malcolm White na humalili rin kay original import Sean Williams. Nakatakdang dumating kagabi si Harper, kaya sariwang-sariwa pa pagsabak sa Bolts.

Dahil hindi pa natatasahan si Harper at kung paano­ makakasabay ang bagong recruits sa sistema­ ng Batang Pier, medyo aligaga si Meralco coach Norman Black.

“The game versus GlobalPort will be difficult to gauge because they have new local players and a new import,” lahad ni Black. “We will just go out and play hard and try to pick up a win.”

Wala sa Batang Pier si star guard Terrence Romeo na ipinahiram sa Gilas 5.0.

Tanging top eight teams lang ang aabante sa quarterfinals pagkatapos ng 11-game eliminations.

Nasa ninth ang GlobalPort, sunod pang asignatura ang defending champion Rain or Shine (May 26) at San Miguel Beer (June 2).

Sa trade sa GlobalPort ay napunta sa Meralco si Garvo Lanete.

Sa kabilang banda, depensa ang nakikita ni Star coach Chito Victolero para pigilin ang TNT.

“We just need to tighten the defense on their key players and their import,” anang Hotshots mentor.

Markado rin ni Victolero ang huling panalo ng Texters, 112-103, laban sa San Miguel Beer noong Biyernes. Wala pa noon sa TNT ang mga nasa ­Gilas ding sina Jayson Castro, Troy Rosario at Roger Pogoy pero nagawang pasadsarin ang dating walang talong Beermen.