New normal sa MRT, 51 pasahero kada bagon

Magiging 51 pasahero na lang ang isasakay sa bawat bagon ng Metro Trail Transit (MRT) Line 3 sa oras na magbalik na ang operasyon nito.

Sa pagdinig sa Senado nitong Lunes, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan, mula sa dating 393 pasahero kada bagon, magiging 51 na lamang ang papayagang makasakay sa bawat bagon ng MRT-3.

“Naku, mag-uunahan ang mga tao niyan kung sinong makakapasok niyan. Wala tayong magagawa dahil isa ito sa social distancing requirement,” reaksiyon ni Senador Grace Poe, chairperson ng Senate committee on public services.

“Pero dapat siguro dapat maghanda. Sa baba pa lang magkakagulo na sa pila, kung sinong unang makakapasok,” pangamba pa nito.

Ayon kay Batan, magiging 14 porsiyento na lang ang total capacity ng bawat tren ang papayagang makasakay para masigurong maipapatupad ang social distancing.

Paliwanag pa nito, magkakaron ng mga marker ang bawat bagon ng tren kung saan uupo ang mga pasahero at may itatalaga rin na mga train martial bawat biyahe nito.

“Ginawa natin naglagay tayo ng mga marker sa mga tren. May nakasulat po sa mga upuan at magkakaron po tayo ng mga train martial,” sabi ni Batan matapos tanungin ni Senador Francis Tolentino.

Paliwanag pa ni Batan, kapag nag-load na sa unang istasyon hindi na maaaring makasakay sa susunod na istasyon.

“So, mag-implement po tayo ng skip train at tinatawag na block loading system para siguruhin na hindi pupunuin buong 14 percent in one station at magkakaroon ng espasyo para makasakay ang mga additional na mga pasahero sa susunod na istasyon,” ayon kay Batan.