VIGAN, Ilocos Sur — Hindi nababahala si Navy Standard Insurance skipper Lloyd Lucien Reynante kahit wala ang tatlong pambatong riders paglarga ng LBC Ronda Pilipinas 2017 bukas sa Provincial Capitol dito.

Wala sa 14-stage race sina Navy veterans Ro­nald Oranza, El Joshua Carino at Mark John Cami­ngao dahil kailangan nilang sumailalim sa basic seaman course.

Isinaksak ni Reynante, 38, sa lineup ng Navy ang matitikas na batang riders na sina Jay Lampawog, Daniel Ven Carino at Archie Cardana na puro edad 23-anyos pababa.

“May ibubuga ang under-23 riders ko, kaya nilang mang-sorpresa,” ani Reynante.

Ang ibang miyembro ng Navy ay sina Jan Paul Morales na winner ng dalawang legs noong nakaraang edition, Joel Calderon, Rudy Roque at Ro­nald Lomotos.

Paglalabanan ang top purse na P1 million mula LBC at partnership nila ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Gigil na mang-agaw sa korona ng Navy ang Army Kinetix Lab, Go for Gold, Bike Extreme, Ilocus Sur, Mindanao Sultan Kudarat, Iloilo, NCR RC Cola, Tarlac, Neopolitan, South Luzon at Zambales.

Magsisimula ang main race bukas (Feb. 4) na dalawang stages sa Ilocos Sur at dadaan sa Angeles (Feb. 8), Subic (Feb. 9), Lucena, Quezon (Feb. 12), Pili, Camarines Norte (Feb. 14 and 16), Daet (Feb. 17), Paseo sa Sta. Rosa, Laguna (Feb. 19), Tagaytay at Batangas (Feb. 20), Calamba at Antipolo (Feb. 21) at magtatapos sa Iloilo City (March 2, 3 and 4).