Noli Cruz

Naging maganda ang taong 2018 sa mga kababayan nating po­ker player. Sa kauna-unahang pagkaka­taon, may Pilipinong nananalo ng prestihiyosong World Series of Poker (WSOP) bracelet sa katauhan ni Mike Takayama na siya ring tinanghal na Asia Player of the Year (APOY).

Sana ay maging kasing suwerte ang taong 2019 para sa ating mga Pinoy poker player. Pero ‘ika nga, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Tayo pa rin ang gagawa ng sarili nating suwerte.

Kaya naman gumawa ako ng listahan ng mga nais kong baguhin na sa tingin ko ay makakatulong para mas maging maganda ang resulta ng aking pagsali sa mga torneo.

Hindi na ako makikipagkuwentuhan sa mga kasama ko sa mesa. Napansin ko kasi na nawawala ang focus ko sa laro kapag nakikipaghuntahan sa mga kalaro. At saka parang nahihiya tayong ubusin ang chips ng mga nakakakuwentuhan natin sa mesa.

Kakain muna ako bago maglaro. Matagalan ang laban sa poker tournaments at mahal ang mga pagkain sa venue kaya mas mabuting busog ka bago mag-umpisa ang laban. Dati kasi ang katuwiran ko ay mas nakakapag-isip akong mabuti kapag hindi busog pero sa tagal nglaro ay mas nagiging masama ang epekto kapag walang laman ang tiyan.

Hindi na ako magpapadala sa emosyon. May tendensiya kasi ako na mag-angry bet lalo na kapag kasali sa pot ang player na nakakuha sa akin ng chips.
Mas tataasan ko ang standard ko bago mag-all in. Kung dati ay tumututol ako kahit na low pocket pair lang hawak na baraha, sa darating na taon ay iiwasan ko na ang sumugal na mababa ang odds na manalo.

Kulang ang espasyo natin para ibahagi ko lahat ang aking New Year’s resolution sa paglalaro pero ang mga nabanggit ko ang mga prayoridad ko na baguhin.
Happy New Year!