NEWBIE, NEW CHAMP

Pinagkalumpunan ng teammates sa Pocari Sweat si Myla Pablo (18) na tinanghal na Finals MVP. Pinabagsak ng Lady Warriors ang Air Force 29-27, 18-25, 25-21, 25-19 sa winner-take-all Game 3 para angkinin ang titulo ng Shakey’s V-League Season 13 Open Conference sa PhilSports Arena. (Jhay Jalbuna)

Kinumpleto ng bagitong Pocari Sweat ang buwelta sa pagsilat sa beteranong Air Force 29-27, 19-25, 25-21, 25-19 sa winner-take-all Game 3 Finals at maupo sa trono ng Shakey’s V-League Season 13 Open Conference sa PhilSports Arena sa Pasig kagabi.

Lunod sa opener 25-17, 20-25, 25-15, 24-26, 11-15, kinopo ng Pocari ang Game 2 17-25, 25-22, 25-14, 25-20 para sa matamis na come-from-behind victory sa unang taon pa lang sa liga laban sa six-year campaigner at two-time Philippine National Games titlists.

Nadoble ang kasiyahan ni Myla Pablo nang ipu­tong sa kanya ang Finals MVP trophy. Nanalasa siya sa decider ng 23 points mula 21 attacks at two blocks.

“The players showed the heart of a champion,” lahad ni Pocari interim coach Rommel Abella, huma­lili kay coach Tai Bundit dahil sa previous commitment sa Ateneo.

“We were coming of a 0-1 deficit in the finals and never won against Air Force in our two games but we came back by fighting hard and we were rewar­ded with a championship.”

Sinementuhan ng Lady Warriors ang pagiging Comeback Queens ng V-League nang maiwan sa 0-1 sa best-of-three series nang matalo sa five sets sa opener noong nakalipas na linggo.

Binatak nila ang serye sa decider sa four-set win noong Sabado, at sa malambot na umpisa sa first frame sa pagkalubog sa siyam na puntos, nakabawi pa rin sa Jet Spikers.

Si veteran setter Gyzelle Sy ang nagtrangka sa panapos na tagpo, umiskor sa 1-2 play para lumapit sa match point kasunod ang service ace na nagpakaba sa Lady Jet Spikers.

Umalalay si Elaine Kasilag ng 15 points, may 12 hits si Michelle Gumabao para sa Pocari.

Si Joy Cases ang top scorer sa Air Force sa 20, may 13 each sina Jocemer Tapic at Mary Ann Pantino.