NEWBIES HUMARUROT SA PALARO

SAN JOSE DE BUE­NA­VISTA, Antique — Nagsosyo agad-agad sa limelight sina Western Visayas bet James Lozañes at Jay Ann Labasano ng Northern Minda­nao sa pag-arangkada ng 60th Palarong Pambansa­ athletics kahapon sa Binirayan Sports Complex track and field sa ilalim nang mainit na ­klima rito.

Ubos-lakas na su­mibat ang nangangarap maging pulis na 17-taong-gulang na si Lozañes, nakatakdang mag-grade 10 sa pasukan sa Estancia National High School sa Iloilo City, ng 59.46 meters sa third ­attempt sa secondary boys javelin thros.

Tinabunan niya ang 57.81m 2013 Dumaguete Palaro mark ni Bryan Jay Pacheco ng Central Luzon.

1-2 finish ang Region 6 bets, silver ang teammate ni Lozañes na si Ronald Lacson (57.30), bronze si Manny ­Maquiling (54.66) ng Northern Mindanao.

“Masaya dahil first time kong maglaro sa ­Palarong ­Pambansa at nag-WV Regional champion din ako,” hirap na hirap na magwikang Tagalog ni Lozañes,­ newbie sa sport dahil natuto lang mag-javelin noong ­January, pang-anim sa pitong anak ng mangingisda’t may­bahay.

Nagawa niya rin ang tagumpay sa kabila na rubber shoes ang gamit sa halip na spike shoes dahil sa aniya’y nagpapabagal sa kaanya ang spike.
Ang isa sa walong sup­ling naman ng magsa­saka ng mga kamote, ang 17-anyos at bagito rin sa Palaro na si Labasano, ang naging unang gold winner sa secondary girls athletics sa pamamayag­pag sa 3,000m run sa clocking na 10 minutes, 32.67 seconds.

Kakatuklas lang sa kanya nang siya’y grade 10 sa isang ­intramurals at may isa’t ­kalahating buwan lang sa event sa panalong naitala laban kina Jie Anne ­Calis (10:41.15) ng NCR at Ma. Junaliza Abutas ng Ilocos o Region 1 (10:44.68).

“‘Di ko talaga ini-expect na mananalo ako” matipid na bulalas ng grade 11 sa Don Manolo­ Fortich, Bukidnon. “Sa last two rounds sabi ni coach ‘bumuga ng bumuga ako.’”

Naka-ginto rin sina Ma. Sally San Jose ng Calabarzon sa elementary girl’s shot put sa 10.70m at Cesar Fernandez ng Negros Island sa high school boys triple jump sa 1.90m.