Mga laro ngayon: (Ynares Center, Antipolo)
4:30 pm – Meralco vs Blackwater
6:45 pm – TNT vs Phoenix

Nabugbog nang husto ang Meralco sa rebounding department kontra Phoenix noong Miyerkoles sa Smart Araneta Coliseum, pinakamasakit ang huling kalawit ni Calvin Abueva na nagresulta sa put-back at nagpatumba sa Bolts 93-92 sa overtime.

Susubukan ng Bolts na bumawi laban sa Blackwater sa dayo ng Petron Saturday Special ng PBA Philippine Cup elims sa Ynares Center, Antipolo ngayon.

Pero kailangan nilang sugurin ang boards para makakuha ng mas maraming tsansa.

Tinakbuhan ng NorthPort ang Blackwater 117-91 sa unang laro nila sa torneo noong Miyerkoles din.

Sa kabuuan, isinuko ng Meralco ang 77-54 discrepancy sa boards kontra Fuel Masters.

Naiwan pa ng hanggang 31-13 ang Bolts sa second half. Pero sa pangunguna nina Nico Salva at Chris Newsome ay nakabalik sa third bago nakipagpukpukan sa fourth. Natapos ang regulation 83-83.

Hindi nakabutas ng basket ang Bolts sa first 3 minutes ng OT, pero nakatabla sa layup ni Salva 89-89. Balik ang two-point lead sa Phoenix sa drive ni Matthew Wright, bago inagaw ng Meralco ang trangko sa 3-pointer ni Newsome 92-91, 12 seconds na lang.

Kaya lang, hindi na-box out ng Bolts si Abueva.

Sablay ang drive ni Justin Chua, mula sa gilid ay lumipad si Abueva, kinolekta ang 13th rebound niya nang unahan ang tatlong defenders ng Meralco, bago ibinalik ang winner.

Sa isang rebound sa final 6 seconds, bagsak ang Bolts.

“We just needed one rebound. We were outrebounded the whole game,” bulalas ni Salva.