Minsan lang sa isang taon ako nakakauwi sa aming lalawigan sa Cagayan Valley at nitong huling pag-uwi ko ay pawang hinaing at reklamo ang narinig ko sa mga kamag-anak at mga kababayan ko dahil sa problema sa kanilang mga aning palay.
Nagsimula ang kanilang kalbaryo nang ipatupad ang Rice Tariffication Law na kahit anong pagtatanggol ng mga taga-gobyerno ay malaking dagok pa rin ito sa mga lokal na magsasaka.
Oo nga at bumaha ng murang bigas sa mga pamilihan, hindi ito galing sa produkto ng mga lokal na magsasaka kundi inangkat ito ng mga negosyante mula sa ibang bansa.
Ang epekto nito ay halos baratin ang aning palay ng mga magsasaka kaya nalulugi at nadidismaya ang karamihan sa mga ito.
Sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Food Authority (NFA) na bilhin ang ani ng mga magsasaka, hindi ito nasusunod ng ahensiya.
Ayon sa mga magsasaka sa Cagayan Valley, hindi lahat ng mga magsasakang nais magbenta ng kanilang palay sa NFA ay binibili.
Mayroon anilang mga kundisyon para makapasok ang kanilang ani sa NFA. Una, dapat ay mayroong 200 sakong palay o higit pa ang ibebenta sa NFA para sila ma-accredit at mapabilang sa mga bibilhan ng kanilang ani. Ang mga small-time farmer na umaani lamang ng halos 100 sako ng palay ay hindi binibili kahit na nagtiyaga sa mahabang pila.
Ang iba ay napipilitang ibenta na lang sa labas ang kanilang ani na talaga namang binabarat at halos ikalugi sa kanilang gastos.
Ikalawa, walang mga satellite office ang NFA sa bawat bayan kaya para makapagbenta sa NFA ay kinakailangang dalhin ang ani sa Regional Office kaya hindi pa man nabili ang palay ay nagastusan na ang mga kawawang magsasaka.
Ikatlo, nais iparating ng mga magsasaka kay Pangulong Rodrigo Duterte na may mga rice trader na nakakalusot at nakakapagbenta ng palay sa NFA sa kabila ng utos ng Presidente na mga magsasaka ang dapat unahin ng ahensiya.
Marahil hindi na nakarating ang mga detalyeng ito sa NFA head office kaya umaapela ang maraming magsasaka sa Cagayan Valley kay Pangulong Duterte na bigyang-pansin ang kanilang problema lalo na at wala naman silang magagawa para kontrahin ang Rice Tariffication Law na siyang naging ugat ng kanilang dinaranas na kalbaryo at sakripisyo sa ngayon.