Tiniyak ng National Food Authority (NFA) sa publiko na magandang kalidad ng bigas ang kanilang ibinibigay sa mga local government unit (LGU) at mga ahensiya na nagbibigay ng relief pack lalo na panahong ito ng krisis sa kalusugan.

“Most of our stocks are freshly-milled rice from our stockpile of palay procured since last year. In fact, our well-milled NFA rice being sold at P25/kg to LGUs and relief agencies is comparable in quality to the P40-P41/kg well-milled commercial rice,” ayon kay NFA Administrator Judy Carol Dansal.

Sabi ni Dansal, maraming tao ang pinapakain ng mas mababang presyo ng NFA rice na isinasama sa mga relief pack na ipinamamahagi sa mga pamilyang pinilit na manatili sa kanilang bahay sa panahon ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (EQC).

Aniya pa, ang ilang LGU rin sa bahagi ng Visayas at Mindanao na sinailalim sa ECQ ay bumibil ng bigas sa NFA para ipamahagi sa kanilang lugar.

Batay pa sa ulat ng NFA simula Marso 16 hanggang Abril 16 ay nakapaglabas na ang ahensya ng P2.2 milyong halaga ng bigas sa iba’t ibang LGU at mga relief agency.

Sa kabuuang volume ng bigas na kanilang nailabas, mahigit kalahati o tinatayang P1.2 milyong bag ang naipalabas na sa Luzon. Mahigit 600,000 bag naman ang nailabas para sa Visayas at 350,000 sa Mindanao. (Riz Dominguez)