Sa millennial na henerasyon, ‘di na sila sigurado kung ano ba ‘yung “Nganga at Ikmo” (betel chewing) sa Pilipinas.
Ito ay ‘yung pinaghalo-halong bunga (areca nut), ikmo (betel leaf), apog (line) at tobacco (mascada), na ibinabalot sa ikmo at nginunguya.
Noong unang panahon, ang sabi ng aking lola, ang nganga ay may benepisyong medikal at sa unang tikim, ito raw ay nakakahilo at dahil may tobacco, ito rin ay maaaring gawing sigarilyo.
Kasunod ng pagtaas ng presyo ng sigarilyo, maraming kalalakihan partikular na sa lalawigan ng Quirino, Isabela ang nag-shift sa nganga at ikmo.
“Dito sa amin ngayon, ‘yung mga lalaki nag-‘nganga’ na dahil hindi na makabili ng sigarilyo. Ang mga nakakabili na lang ay ‘yung mga mapepera,” ayon kay Sheryl Reccion.
Sa paglipat sa nganga ng mga kalalakihan, tumaas na rin ang presyo ng bunga nito kung saan sa Isabela ay P50.00 na ang isang tabo.
Pinoproblema ngayon sa kanilang lalawigan ang mga iniluluwang nganga na makikita mo kahit saang panig ng kanilang lugar.
Sa umpukan ng mga kalalakihan, kalimitan ay mayroong nganga session at inuman.
Kaya lamang, pagkatapos ng nganga session, nakakadiring kulay-dilaw na dura ang makikita sa iba’t ibang panig.
Nanawagan ang mga kababaihan na sana ay magkaroon ng ordinansa sa kanilang lugar na nagbabawal sa pagdura lalo na ng nganga.
May ilang matatanda naman ang nagrekomenda na para hindi magkaroon ng dura ng nganga, ang bao ng niyog ay maaaring lagyan ng buhangin o lupa at doon idura ang nganga at muling patungan ng lupa para naman hindi ito maging kalat sa iba’t ibang lugar.