Dala ng kumakalam na sikmura ay isang matandang lalaki ang walang-awang nanaksak ng tindera ng isang karinderya matapos na tumangging magbigay ng pagkain sa una, sa Quezon City kamakalawa.

Under observation ngayon sa pinagdalhang pagamutan sanhi ng mga tinamong saksak ang biktimang nakilalang si Ma­rilou Panoy y Calderon, 39, ng No. 337 Congress Park Subd., Fatima St., Brgy. Commonwealth ng naturang lungsod.

Mabilis naman tumakas bitbit ang patalim na ginamit ang suspek na nakilalang si Rogelio Salvador, Sr., alyas ‘Badong Tusok’ at ‘Waray Bisaya’, 65, may-asawa at naninirahan sa No. 443 Congress Park Subd., Fatima St. ng nasabi ring barangay.

Sa imbestigasyon ni PO3 Edwin Marteja ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station 6, nangyari ang insidente dakong alas-tres ng hapon sa kahabaan ng sidewalk Congress Park Subd., Fatima St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Lumilitaw na abala umano ang biktima sa pagsisilbi ng pagkain sa kanyang mga customer nang dumating ang suspek na umano’y nakai­nom ng alak at nilapitan siya nito at sinabihang bigyan ito ng makakain.

Subalit tumanggi umano ang biktima na bigyan ng pagkain ang suspek na naging dahilan para ma­galit ito.

Ilang sandali pa ay basta nalang bumunot ng balisong ang suspek at galit na galit na inunda­yan ng saksak ang biktima, bago mabilis na tumakas habang mabilis na isinugod sa ospital ang tindera.