Sa araw-araw nating buhay, lalo na sa katulad kong bumibiyahe araw-araw papasok sa trabaho ay marami tayong nakakahalubilong mga tao.

Nariyan ang mga propesyunal, estudyante, mga senior citizens, retiradong mga empleyado mula sa pribadong kumpanya, pampublikong mga tanggapan ng gobyerno, mga magulang at iba pa.

Kaya naman iba’t ibang kwento ang ating araw-araw na nasasagap.

Pero sa dami ng ating nakakwentuhan habang nasa maiksing biyahe pero umubos ng napakahabang oras dahil sa masikip na daloy ng trapiko ay may iisang sentimyento ang tumatak sa aking isipan at ito ay ang huntahan namin ng isang tsuper ng taxi na isang retired Captain ng Philippine Marines.

Galit na galit ang retiradong sundalo sa gobyerno at iisang Presidente lang aniya ang matino at ito ay si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Hindi ako makasingit ng tanong dahil todo depensa siya sa istilo ng pamumuno ni Marcos na walang–wala aniya sa mga naging Presidente ng bansa sapagkat naging maayos daw ang bansa at mga tao sa kanyang pamamahala.

Kung mayroon man daw pinahirapan ay ito ay ang mayayamang negosyante na lalong nagpapahirap sa mahihirap ng mga Filipino.

Kahit si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi siya saludo sa istilo ng pamumuno sapagkat puro raw dada gayundin ang kanyang mga kinuhang kasama sa pamamalakad ng bansa. Puro daw palpak ang ginagawang mga pagpaplano.

Partikular na pinuntirya ng retiradong sundalo ay ang kawalan ng solusyon ng gobyerno sa trapiko na kung anu-anong eksperimento raw ang ginagawa para matuldukan ang problema pero puro salto raw ang nailalatag na solusyon.

Naunawaan ko ang punto ng retiradong sundalo dahil maging ako ay kasama sa napakaraming biktima ng lalo pang paglala ng problema sa trapiko sa Metro Manila at apektado ang araw-araw na aktibidad partikular na ang paghahanapbuhay.

Kung siya ay nalilimitahan ang kita dahil sa masikip na daloy ng trapiko, ako naman bilang isang empleyado ay nakakaltasan madalas sa sinasahod dahil sa madalas na pagkahuli sa pagpasok sa trabaho bunsod ng problema sa trapiko.

Kahit sabihing mag-adjust ng oras upang hindi ma-late ay bibihira pa ring mangyaring dumating ka sa tamang oras sapagkat habang papalapit ang Holiday season ay lalong nagsisikip ang daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila.

May inilatag mang solusyon sa problema ang Me­tropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maibsan kahit papaano ang masikip na daloy ng trapiko pero para sa atin ay hindi pa rin ito magi­ging kasing epektibo kung ipatutupad ang odd-even scheme sa pampublikong mga sasakyan at number-coding scheme naman sa mga pribadong sasakyan.

Hindi lamang iyan dahil ay tuluyan nang isara ang mga u-turn slots sa ilang bahagi ng EDSA at magpa­sadya na lamang ng u-turn slots na elevated malapit sa istasyon ng MRT dahil nakakadagdag lalo ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang mga pumipilang sasakyan na mag-u-u-turn.

Sana ay makatulong ang ilang suhestyong ini­lulutang ng mga ordinaryong mamamayan sa problema natin sa trapiko.

Huwag na rin sanang replay na solusyon na hindi naman nakitaan ng positibong epekto pero pilit na ipinatutupad masabi lamang na kumilos.