INSTAGRAM celebrity ang hunky husband ni Solenn Heussaff na si Nico Bolzico.

Bentang-benta ang ‘wifezilla’ posts ni Nico kung saan madalas ay inookray nito ang misis na si Solenn at inirereklamo sa ‘blogger jowas.’

Naturally funny ang Argentinian hubby ni Solenn at patok sa netizens ang unique humor nito, kaya ang dami nitong followers.

Tsika sa amin ni Sos, kinuha ng Landers Superstore si Nico dahil sa mga nakakatuwang IG posts nito.

Medyo nalolokah si Solenn dahil ang madalas na sabihin sa kanya ngayon ng mga nami-meet niya ay, “I love your husband!”

Meron ding mga girlash na nagti-text sa kanya at nag-i-inquire kung sinong manager ni Nico, na sinasagot niya ng, “Ako ang ma­nager niya! Busy siya!”

Ha! Ha! Ha!

Maging si Regine Velasquez-Alcasid ay nagpa-follow kay Nico sa IG at sinabihan siya nito na sobrang nakakatawa ang mister niya.

Sey ni Sos, sa totoong buhay ay ganu’n talaga ang asawa niya.

Nang hiritan namin siya kung ayaw niya bang maging Bench Body hunk si Nico tutal ay Bench Body girl naman siya, ang sagot ni Sos ay ayaw niya.

Businessman pa rin daw kasi ang mister niya. At saka nai-imagine niya raw na ‘pag may mee­ting si Nico sa agribusiness nito, ang maiisip ng mga ka-meeting nito ay ang sexy underwear shoot nito.

Tawang-tawa kami sa kuwento ni Solenn na ginawan niya ng makeup transformation si Nico at ginaya niya ang ka-lookalike nitong female anchor ng CNN na si Nata­lie Allen.

Pinakita niya pa sa amin ang pic ni Natalie, na ang description niya ay Nico with long hair.

Para sa ilu-launch niyang website soon ay napapayag niya si Nico na meykapan niya ito complete with false eyelas­hes at hair extensions para plakado nito si Allen.

Kaso ay hindi mapigi­lan ng video crew ni Sos ang magtawanan, kaya nakahalata si Nico.

Pagtingin nito sa salamin ay galit na galit ito, kaya naunsyami ang plano ni Sos.

As in sobrang funny raw nito, na balak pa rin niyang ilabas nang palihim ang nakunan niyang short video nito as Natalie Allen.

Enjoy si Solenn sa karakter niya sa Encantadia na si Cassiopeia, na patapos na lang ang show ay nagkaroon pa ng ka-loveteam kay Emre (Zoren Legaspi).

Sinabi niya kasi ‘yon kay Direk Mark Reyes na lahat ay may ka-loveteam, siya lang ang wala.

Nu’ng maging tao si Emre ay napansin ng fans na bagay sila ni Zoren, so kahit wala sa plano ay nilagyan sila ng konting landian ni Direk Mark dahil nataypan ito ng Encantadiks.

Ang sabi sa amin ng hot Kapuso star, gusto niya ng isa pang teleserye after Enca bago sila gumawa ng baby ni Nico.

Feeling niya kasi ay mas praktisado siya nga­yon pagkatapos nito kaya bet niyang magka-show ulit.

So, magdadrama naman siya, ganern?

“Ayoko ng drama. Gusto ko, comedy-landi-horror!” ang very Solenn na sagot sa amin ni Mrs. Heussaff.