Sasandalan ng National University Lady Bulldogs sina Ivy Lacsina at Jennifer Nierva sa UAAP Season 82 Women’s Indoor Volleyball Tournament na nakatakda na sanang magsimula nitong Sabado pero naiurong sanhi nang panganib ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Tatayong lider ang dalawang veteran volleybelle na nahasa na sa mga naging karanasan sa larangan sa ilang taon at nakasungkit na rin ng kampeonato nang nasa junior team pa lang.
Magiging maganda sana ang rotation ng team ngayong taon, pero namemeligrong mauga ito dahil sa pag-absent ni setter Joyme Cagande sanhi ng ACL tear. Natengga na si Cagande sa nakaraang edisyon dahil sa high-grade ACL.
Bungi man ang koponan, may maasahan naman sa pagbabalik ng beteranang si Risa Sato upang punuan ang iniwang posisyon ni Roselyn Doria. Malaking puntos din ang appearance ng Fil-Japanese middle blocker sa pagiging isang ‘high-caliber’.
Bukod dito’y sariwa pa ang pagkakapanalo niya sa mga sinalihang volleyball club gaya ng BaliPure Purest Water Defenders at Creamline Cool Smashers nitong nakaraang Nobyembre sa 3rd PVL Open Conference.
“With the NU women’s volleyball team naman we’re very excited to play the second day of UAAP,” pahayag ni NU assistant coach Regine Diego.
“Na-experience na ng mga rookie namin last year iyong laro, so hopefully they play better now specially they have a 14th-man line-up.”
“Also we just want to enjoy this eh kasi hindi naman kami nag-eexpect a lot, kung saan kami abutin at kung saan iyong prinactice namin at naghanda – dun sana kami umabot,” panapos niyang pahayag. (Aivan Episcope)