Tatangkain ni 3-division world champion Donnie “Ahas” Nietes na matapos ang huling araw ng taon bitbit ang panalo sa pagsagupa sa pinakamatinding ha­mon sa kanyang career, sasagupain si Kazuto Ioka ng Japan para sa World Boxing Organization (WBO) World Super Flyweight crown sa Macau, China.

Aminado ang 36-an­yos at pinakamatagal na Pinoy na humawak ng pandaigdigang korona, na mahirap ang kanyang sitwasyon sa super fight na ito dahil 29-anyos pa lang at kapwa rin 3-division world champion ang Hapones.

“Mabigat talaga ang laban dahil parehas naming gusto manalo at makuha ang pagi­ging four-division world champion,” sabi ng mula-Murcia, Negros Occidental. “Pero naniniwala ako at may pananalig sa Panginoon.”

Gayunman, matin­ding pag-iingat ang plano ng kampo ni Nietes sa pagsalpok kay Ioka.

“Matinding pag-ii­ngat ang kailangan dahil magaling din siyang boxer. Pero unahan na lang kami at tiyempuhan sa oras ng laban. Kung sino ‘yung makakahagip ng magandang tama, malaki ang tsansang manalo. Umaasa ako na ako ang nakataas ang kamay pagkatapos ng laban,” panapos ni Nietes.

Maagang nagtungo si Nietes at ang koponan ng ALA sa Macau noong Kapaskuhan. (Lito Oredo)