Isang lalaki na nag-a-unwind at umiinom sa loob ng isang night club ang patay matapos na pagbabarilin ng isang hindi pa ­nakikilalang salarin sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), alas-nuwebe pasado ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng isang bar na matatagpuan sa Senatorial Road, Area C, Barangay Batasan Hills ng na­sabing lungsod.

Nasa loob umano ng bar ang biktimang si Noel Sanchez at umiinom nang dumating ang isang lalaki na armado ng baril.

Nang makita ng biktima ang suspek ay sinubukan pa sana umano nitong tumakbo ngunit pinaulanan­ na siya ng bala nito hanggang malagutan nang hininga.

Anim na tama ng bala sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Sanchez.

Napag-alaman sa mga awtoridad na dati na umanong sumuko sa ilalim ng Oplan Tokhang ang biktima ngunit hindi pa malinaw kung bumalik ba ito sa kanyang masamang gawain.

Tumanggi naman ang pamilyang magsalita hinggil sa nangyari sa kanilang kaanak.

Sa ngayon ay patuloy ang pagsasagawa ng im­bestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang pagkakakilanlan ng salarin at kung ano ang posibleng motibo nito sa pagpatay.