Niligaw ang isyu sa tattoo

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Humarap na sa Senado noong isang Linggo, kaugnay sa P6.4 bilyong shabu na nakapuslit sa Bureau of Customs (BOC), sina Presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte at Presidential son-in-law Maneses ‘Mans’ Carpio para magbigay ng kani-kanilang panig matapos na mabanggit ang kanilang mga pangalan sa kasagsagan ng imbestigasyon.

Ang imbitasyon sa mga anak ni Pangulong Rodrigo Duterte ay isinakatuparan upang mabigyang-linaw ang akusasyong sangkot ang mga ito sa smuggling sa BOC.

Napasinungalingan nina Pulong at Mans ang alegasyon sa kanila at walang naestablisang koneksyon ng dalawa sa nangyayaring smuggling sa BOC.

Pero sa kasagsagan ng pagdinig ay nagawi ang tanong ni Senador Antonio Trillanes kay Vice Mayor Pulong na pilit na hinahanapan ng Senador ng koneksyon sa sindikato ng ilegal na droga.

Para tumayo ang kanyang alegasyong miyembro ng isang drug triad si VM Pulong ay inusisa niya ang anak ni PDu30 kung mayroon itong tattoo.

Ang tattoo umano ni Pulong ang magpapatunay na galamay ito ng sindikato sa ilegal na droga dahil mayroon itong code bagay na ikinataas ng kilay ng maraming sumubaybay sa pagdinig lalo na’t wala namang matukoy na lehitimong samahan o tanggapang pinanggalingan ng kanyang impormasyon.

Akusa tuloy ng ilang miron sa Senado, tila wala sa sariling pag-iisip si Trillanes sa paghalungkat sa isyu ng tattoo ni Pulong Duterte.

Naging tampulan tuloy ito ng tukso na baka type lang ng Senador na makita ang wangkata ng Vice Mayor!?

Maging ang publiko ay umalma kasama ang netizens sa isyu ng tattoo na ayon sa kanila ay non-issue.

Sabagay, kapag may tattoo ba kriminal ka na?

Ang pagpapa-tattoo ay isang porma ng ekspresyon. Karaniwan at ang pinakasikat na disenyo ay dragon kung ‘di agila.

Sa katunayan, milyon-milyong Pinoy ang may tattoo. Marami ay dragon ang disenyo na simbolo ng lakas, kapangyarihan at suwerte. Miyembro na ba sila ng Triad? Try Hard!

Ayaw ding sakyan ng netizens ang palabas ni Trillanes na foreign source ang nagbigay sa kanya ng info. Ang duda ng marami ay si Arthur Lascañas ito.

Pinatawa ng Senador ang karamihan sa kanyang banat sa hearing sa pagpasok niya ng non-sense na issue.

Ako rin ay nanghihina­yang sa pinakawalan niyang oportunidad, napakaraming lehitimong tanong ang dapat niyang napakawalan, pero nabalewala dahil sa pilit niyang pag-aanggulo sa tattoo na wala talaga tayong makitang tibay para mapatayo ang kanyang mga alegasyon.

Tuloy ay naligaw ang isyu mula sa mga nagpasok ng P6.4 B drug shipment at napunta sa walang kakuwenta-kuwentang tattoo ni Pulong.

Ayokong magduda pero hindi kaya ginagamit lang si Trillanes ng sindikato ng ilegal na droga na nagpuslit ng shabu kaya pilit na inililigaw ang isyu? Naku huwag naman sana dahil hindi ito papayagan ni Pangulong Duterte!