Nililigawan sinaksak ng binasted na 70-anyos

Sa kulungan ang bagsak ng isang lasing na lolo makaraang saksakin nito ang nililigawan matapos siyang bastedin ng biktima sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City kamakalawa nang gabi.

Agad isinugod sa pagamutan si Mischelle Santos, 45, sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang kamay.

Nakakulong naman ngayon sa Parañaque City Police ang nadakip na suspek na si Zenas Cañete alyas ‘Boy’, 70, spotter ng bilyaran sa nasabing barangay.
Sa report, alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente.

Kuwento ni Santos, makailang beses na siyang pinapadalhan ng mga ‘inspiring messages’ ni Cañete at nagpaparamdam na may gusto sa kanya sa paraan ng text.

Inakala ni Santos na nagbibiro lang ang matanda hanggang sa magpadala na ito ng mga umano’y malalaswang text message sa kanya.

Iginalang pa rin ng biktima ang matanda pero nang ligawan na siya nito ay binasted na dahilan para magalit si Cañete.

Nagkausap pa umano ang dalawa ngunit nakainom ang matanda dahil sa amoy-alak.

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay bigla na lamang sinaksak ng matanda si Santos na nasalag naman nito kaya sa kamay napuruhan.

Sa pulisya ay dinepensa ng matanda na hindi niya gusto si Santos dahil hindi naman daw ito maganda.

Inamin naman ni Cañete na nagkaka-text sila ng babae bilang magkaibigan pero tumanggi itong nililigawan niya ito. (Armida Rico)