Inaasahan na ngayong holiday season ay mas lulubha pa ang problema sa trapiko sa buong Metro Manila dahil mas maraming tao ngayon ang nasa kalsada at mga shopping mall.
Desidido ang MMDA na tugunan ang matagal ng problema sa trapiko sa kahabaan ng EDSA at itinalaga bilang traffic head si Bong Nebrija.
Unang hakbang ni Nebrija ang ideklarang discipline zone ang EDSA na ang ibig sabihin ay dapat na maging disiplinado ang mga motorista maging pribado o pampublikong sasakyan.
Pero batay sa tala ng MMDA ay ang mga pampasaherong bus ang siyang may pinakamaraming paglabag sa batas trapiko at sistema sa EDSA.
Totoong dapat ay manaig muna sa lahat ang disiplina dahil ito ang magiging pundasyon upang malutas ang problema sa trapiko sa EDSA.
Pero sa totoo lang ay ang pangunahing dahilan kung bakit hindi maresolba ang problema sa trapiko ay ang pagiging ningas kugon ng gobyerno.
Halimbawa sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan ang pagpapatupad ng MMDA ng motorcycle lane na noong una ay mahigpit ang implementasyon pero biglang lumamig kaya naman nabalewala ito at balik sa dating gawi.
Sa EDSA rin naunang ipinatupad ang yellow lane pero kapag walang bantay na MMDA traffic enforcer ay parang piyesta ang mga bus sa paglabas sa linya.
Tama, maraming dapat na ayusin na sistema sa EDSA at ang pauna ay ang pagpapairal ng disiplina sa lahat ng motorista.
Pero dapat ay isama sa disiplina mismo ang mga mananakay na kung saan-saan bumababa o sumasakay sa alinmang nais nitong lugar.
Ang panghuli na dapat iwasan ng MMDA ay ang estilong ningas kugon na kapag nagpatupad ng sistema para solusyonan ang problema sa EDSA ay sa umpisa lang mahigpit ang implementasyon pero matapos ang ilang linggo o buwan ay nakakalimutan kaya balik sa dating gawi at lalo pang lumulubha ang problema ng trapiko.