Limang araw na lamang ay pasok na sa ika-100 araw ang pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ating bansa pero sa kabila ng halos tatlong buwan sa poder ng gobyernong Duterte ay wala pa itong naging epektibong hakbang para masolusyunan ang ma­tinding problema sa daloy ng trapiko.

Malayung-malayo sa ipinuporma ng mga opisyal ng administrasyong Duterte, partikular ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na noong bagong upo ay napaka-agre­sibo sa paglalatag ng mga solusyong ipatutupad para maibsan ang dinaranas na monster traffic sa Metro Manila.

Sa katunayan ay maraming napabilib na tao ang DOTr Secretary noong mga panahong isa-isa nitong inilalatag ang mga hakba­nging ipatutupad para gumaan ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Pero ang sigasig na ito noong mga unang araw at unang linggo sa puwesto ng DoTr ay biglang lumaylay dahil walang pagpapatuloy sa pag-aksyong ginawa ang tanggapan kundi pansumandali lamang o noong transition pe­riod lamang.

Ang matindi, kung noong mga unang araw sa poder ng Duterte administration ay naibsan kahit papaano ang masikip na daloy ng trapiko, ngayon ay hindi na dahil tumindi nang talaga ang problema sa trapiko.

Kaya sana bigyang pansin ng gobyernong Duterte ang problemang ito. Itrato sana ng pamahalaan na kasing bigat ng kanilang laban sa iligal na droga, krimen at katiwalian ang laban para patinuin ang daloy ng trapiko dahil maraming buhay na ang napeperwisyo ng matinding trapikong pinagdadaanan araw-araw ng bawat mamamayang Filipino.

One Response