Sana hindi “ningas-kugon” ang Philippine National Police (PNP) sa pagtugon sa all-out war (Executive Order No. 13) ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa jueteng at lahat ng klase ng ilegal na sugal sa bansa.

Kung tuluyan nang mapunas sa balat ng lupa ang jueteng, virtual 2 at iba pa sa ilalim ng pamunuan ni PNP chief General Ronald “Bato” dela Rosa bago siya magretiro nitong taon, naniniwala ako na “walk in the park” na siya sa mundo ng pulitika.

Nagtapos noong nakaraang linggo ang 15-day ultimatum ni Bato sa mga regional, provincial, city at municipal police commanders upang wakasan ang jueteng, virtual 2, at lahat ng klase ng ilegal na sugal sa kani-kanilang nasasakupan.

Eto nga at sumampol na si Bato. Sibak sa kanilang puwesto sina Superintendent Carlos E. Barde, hepe ng Lipa City Police, at Supt. Geovanny Emerick A. Sibalo, hepe ng Sto. Tomas Municipal Police Station, pawang sakop ng Batangas.

Sibak din sa puwesto sina Supt. Ronan R. Claravall ng San Pablo City Police at Supt. Zeric L. Soriano ng San Pedro Municipal Police Station, pawang sa Laguna.

Ang Batangas at Laguna ay bahagi ng CALABARZON Regon-4A Regional Police Office (PRO) na pinamumunuan sa ngayon ni Chief Supt. Mao Aplasca.

Sa datos ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang CALABARZON ay isa sa mga pugad ng jueteng at virtual 2 sa Luzon.

Sari-saring ilegal na pasugalan din ang narito gaya ng peryahan, color games, saklaan, at iba pa, kung saan talamak ang “payola system” para sa mga protektor na ilang korap at tiwali sa gobyerno.

Titingnan natin kung ningas-kogon ba o hindi ang sibakan sa mga police commander dahil sambayanan na ang nagmamasid at magsusumbong sa pamamamayagpag ng jueteng hindi lamang sa Region-4A kundi sa iba pang rehiyon sa Luzon gaya ng Region 3 (Central Luzon), Region 2 (Cagayan Valley), Region 1 (Ilocos), at Region 5 (Bicol).

Nagmamasid din ang taumbayan sa Visayas at Mindanao laban naman sa masiao, swertres at lahat ng kalse ng ilegal na sugal.

Dapat ding magbigay ulat ang PNP kung sino-sino na sa mga regional directors nito ang nagbigay ng sertipikasyon kay Bato na wala nang jueteng, virtual 2, masiao, swertres, at iba pa sa kani-kanilang nasasakupan.

Duda ako sa pagkambyo ni Bato na ang regional director na lang ang magbibigay sa kanya ng sertipikasyon na wala nang jueteng at lahat ng klase ng ilegal na sugal sa rehiyon, taliwas sa unang usapan umano na dapat magbigay din ng kani-kanilang sertipikasyon ang Authorized Agent Corporation (AAC) at PCSO.

Kaduda-duda tuloy ang sinseridad ng PNP na lipulin ang ilegal.

Ang AAC ang siyang otorisado ng PCSO na maglaro ng Small Town Lottery (STL), ang tanging legal numbers game sa bansa.

Batay sa datos ng PCSO, sa kasalukuyan ay meron nang aprubadong 92 na STL players pero 65 pa lamang ang naglalaro: National Capital Region (NCR) – 2, Central Luzon (CL) – 19, Southern Luzon – 14, Visayas – 18, at Mindanao – 12.

Tinukoy din ang mga lugar na meron nang AAC pero wala pang opisyal na naglalaro ng STL at kung meron man ay siguradong ilegal. Ito ay ang Agusan del Norte, Agusan del Sur, Basilan, Bukidnon, Camiguin, Capiz, Cebu City, Compostela Valley, Cotabato City, Davao del Sur, Davao Oriental, Ifugao, Kalinga, Masbate, NCR Western Manila, NCR Eastern District, Palawan,, Quirino, Romblon, Saranggani, Siquijor, South Cotabato, Zamboanga City, Bukidnon, Zamboanga del Norte, at Zamboanga Sibugay.

Ang mga lugar naman na wala pang arpubadong AAC o puwede pang aplayan ng mga interasdong maging STL players ay ang mga sumusunod: Isabela City, Apayao, Batanes, Biliran, Davao Occidental, Dinagat Island, Lanao del Sur, Maguindanao, Mt. Province, Sulu, at Tawi-Tawi.

[Para sa reaksyon at suhestiyon, i-email sa jbsalarzon@yahoo.com. Komunekta sa http://facebook.com/jbsalarzon]