Ninja cops ipinasasama sa bitay

Tiniyak ng isang mambabatas sa Kamara na isasama sa sasakupin ng Death Penalty Law ang mga tinaguriang “Ninja Cops” na nagre-recycle ng droga lalo na ang mga pumatay sa kanilang mga tagabenta ng iligal na droga tulad ng natuklasan sa imbestigasyon ng Senado.

Ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe, isisi­ngit nito sa House Bill 01 na naglalayong magbalik sa parusang kamatayan, na maging retroactive ang batas upang ang mga pulis na sangkot sa iligal na droga ay maisama sa bibitayin.

Ginawa ni Batocabe ang pahayag matapos lumabas sa imbestigasyon ng Senado na ilan sa mga napatay na pushers ay assets din ng mga pulis at kanilang tagabenta ng shabu.

“Kung toto ‘yan mas masahol pa ‘yan mga pulis na ‘yan sa mga ordinaryong pusher.

Dapat sila ang unang ibitay,” ani Batocabe, kaya kailangang maging retroactive umano ang batas na ipapasa ng Kongreso.

Lalong gigil si Batocabe sa mga pulis nasa likod ng pagpatay sa mga pusher para linisin ang mga dumi ng mga ito sa iligal na droga kaya kamatayan umano ang dapat iparusa sa mga ito.

Samantala, nabuo na kahapon ang House committee on dangerous drugs na pinamumunuan ni Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers kaya agad na kikilos ang mga ito katuwang ang Dangerous Drug Board (DDB) para aksyunan ang problema ng droga sa bansa.