Ninong sinaksak sa pagtatanggol sa inaanak

Nag-aagaw buhay ngayon ang isang lalaki nang saksakin ito ng kanyang kainuman matapos pumagitna at ipagtanggol sa away ang inaanak sa Malabon City kamakalawa.

Nakaratay ngayon sa Valenzuela City Medical Center si Rennie Garcia, 32, may-asawa, CCTV technician at nakatira sa No. 144 Compound, Orange Road, Brgy. Potrero, ng naturang lungsod.

Kaagad namang nadakip ang suspek na si Renato Badidles, 58, walang trabaho at nakatira rin sa naturang compound.

Sa imbestigasyon ng Malabon City Police, alas-3:40 ng hapon nang mangyari ang insidente sa loob ng kanilang compound.

Nabatid na nag-iinuman si Badidles, Garcia at ang kanyang inaanak na si Wilson Alising, 23, nang biglang nagkaroon ng pagtatalo sina Alising at Badidles. Dito’y pumagitna si Garcia at ipinagtanggol ang kanyang inaanak.

Doon naman lalong nagwala at nagalit ang suspek kaya nagbunot ng patalim at pinagsasaksak si Garcia.

Nakaditine ngayon sa Malabon City Police Custodial Facility ang suspek na nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.