Niratrat na Chinese trader nahagip ng CCTV

Isinumite ng Mandaue City police kahapon sa regional Police Crime Laboratory ang kuha ng CCTV kung saan nakuhaan ang naganap na pananambang sa sasakyan ng Chinese trader na si Yi Feng Guo Yang, na ikinasawi nito at ikinasugat ng dalawa nitong anak noong Linggo nang gabi.

Ayon kay Police Corporal Ryan Diamanda ng Mandaue City police station 6, at may hawak ng kaso, nakuhanan ng CCTV ng barangay ang dalawang motorsiklo na ginamit ng mga suspek sa ginawa nilang pagtakas matapos ang ginawang pananambang.

Subalit ayon kay Diamanda, hindi masyadong malinaw ang kuha sa CCTV dahil madilim nang mangyari ang pana­nambang at mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo kung saan lulan nito ang apat na suspek pero gagawan umano nila ng paraan upang mapalinaw ang kuha.

Bukod dito, titingnan din ng pulisya ang cellphone ng nasawing negosyante upang malaman kung may natatanggap itong mga banta bago ang pamamaslang.

Matatandaang pinagbabaril ng apat na suspek lulan ng dalawang motorsiklo ang puting van na kinalulunanan ni Yi Feng kasama ang dalawang anak na sina Ginabelle, 18, at Stephen, 16, dakong alas-nuwebe nang gabi sa Barangay Cubacub.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang dalawang anak ng negosyante na nagpapaga­ling ngayon sa isang pribadong ospital. (Edwin Balasa)