Tatlo na namang katao ang pinakahuling naitalang patay sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling-araw.
Alas-11 ng gabi nang pwersahang pasukin ng apat na hindi pa nakikilalang mga kalalakihan ang bahay ng biktimang si Edmond Alloveros, 38-anyos, tricycle driver, may-asawa, ng Phase 7-B, Package 10, Block 10 Excess, Barangay 177 ng nasabing lungsod.
Nanonood umano ng telebisyon ang biktima nang walang habas na pagbabarilin na agaran nitong ikinamatay at pagkatapos ay agad ding nagsitakas ang mga salarin.
Ganap namang alas-dos ng madaling-araw nang matagpuan ang mga labi ng dalawa pang sina Patrick Egan, welder at isang hindi kilalang lalaki na basta na lamang itinapon sa kahabaan ng Aurora St., Barangay 177 ng nasabi ring lugar.