Nireklamo sa FB live ni mayor: Kelot arestado sa baril, patalim

Kalaboso ang isang lalaki na may dalang dalawang air gun at patalim Paco, Maynila nang arestuhin ng pulisya kasunod ng reklamo ng isang netizen sa Facebook live ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kamakalawa ng hapon.

Bitbit at nakalagay sa sako ang mga air gun at nakasukbit pa ang patalim sa tagiliran nang hulihin ang suspek na si Dominique Carawi, ng Brgy. 684.

Nabatid na nagla-live broadcast si Moreno para sa update ng mga kaganapan sa lungsod ng Maynila nang isang babae na hindi pinangalanan ang nag-comment at humihingi ng tulong dahil sa nanganganib umano ang kaniyang buhay sa live-in partner na armado ng mga baril at patalim.

Kaagad na inatasan ni Domagoso ang mga pulisya para puntahan ang lugar ng biktima at kaagad naman napansin si Carawi na kalalabas lang ng kaniyang bahay na may bitbit na isang sako pero nakalabas ang duluhan ng dalawang baril.

Sa puntong ito kinorner ng mga pulis ang lalaki at binusisi ang kaniyang bitbit na naglalaman ng dalawang airgun habang isang patalim rin ang nadiskubre na nakaipit sa kaniyang tagiliran.

Kulong ang suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and their Children Act at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Illegal Possession of Deadly Weapon sa Manila Prosecutors Office. (Juliet de Loza-Cudia)