No. 1 ahente sa negosyo ng Tsina

Sa ngayon, wala nang duda na “pagpihit sa Tsina” ang isa sa mga prinsipal na layunin ng pagka-pangulo ni Rodrigo Duterte. Pangunahing nilalaman nito ang pagbubukas ng mga mahalagang sektor ng ekonomiya sa puhunang Tsino.

Malaking hakbang sa naturang direksyon ang pagbisita ni Xi Jinping. Sinaksihan niya ang paglagda ng 29 kasunduang may kinalaman sa pamumuhunan ng Tsina sa imprastruktura, industriya, agrikultura, transportasyon, at iba pa.

Pinakatampok ang Memorandum of Understanding para sa “pagtutulungan” ng Pilipinas at Tsina sa oil and gas development sa West Philippine Sea. Ang mga kasunduang ito ang “gantimpala” ng administrasyong Duterte kapalit ng pa­nanahimik ng Malakanyang sa pagkontrol ng Tsina sa ating karagatan sa West Phillippine Sea.

Sa bisa ng mga direktiba ni Pangulong Duterte at ng kanyang Pagcor, binigyang sigla ang multi-bilyong pisong industriya ng offshore gaming (mga online casino at pusta­han) na pangunahing kli­yente ang mga mamamayang Tsino. Ito ang dahilan ng pagdagsa ng mahigit 100,000 manggagawang Tsino sa bansa, na karamihan umano’y nagtatrabaho sa mga online casino nang walang permit.

Isang kagustuhan ni Pangulong Duterte ang pagsantabi sa public bidding upang direktang maigawad sa mga kompanyang Tsino ang malalaking kontrata. Nagpumilit ang mga tauhan ng Pangulo na idaan sa joint venture agreement, kasosyo ang mga kontraktor na Tsino, ang rehabilitasyon ng Marawi. Napilitan ang Malakanyang na talikuran ito matapos abisuhan na hindi ligal ang naturang pamamaraan ng pagkontrata. Dahilan ito ng pagkaantala ng rehabilitas­yon ng Marawi.

Sa kanyang “pagpihit”, ginagamit ni Pa­ngulong Duterte ang retorika kontra sa mga oligarko (tulad nina Ongpin, Lopez at Prieto) habang pinapaboran ang sarili niyang pangkatin ng mga oligarko. Tampok dito ang kagila-gilalas na pag-ahon ng kapalaran ni Dennis Uy, negosyante mula sa Davao na malapit kay Pangulong Duterte. Ang Mislatel ni Uy, kasosyo ng dambuhalang China Telecom, ang nahirang na ikatlong telco na makikipagsapalaran sa Smart at Globe. Ang Phoenix Petroluem ni Uy, kasosyo ng China National Offshore Oil Corporation, ang nakapuwestong magtayo ng LNG import terminal sa Batangas – na magi­ging estratehikong pasi­lidad kapag maubos na ang supply ng natural gas mula sa Malampaya sa 2024.

Isang bagay ang malinaw: Si Pangulong Duterte ang tumatayo bilang numero unong ahente sa negosyo ng Tsina sa Pilipinas. Ginagamit niya ang kasindak-sindak na kapangyarihan ng pangulo ng Republika ng Pilipinas upang hawanin, paghatian at igawad ang mga dambuhalang kotratang publiko at pinakalukra­tibong negosyo sa mga estratehikong sektor ng ating ekonomiya sa mga korporasyong Tsino at pinapaborang lokal na oligarko. Weather­-weather lang.