Patay ang isang tulak na nasa number 1 watchlist ng anti-illegal drug campaign ng bayan ng Polangui, Albay matapos umanong manlaban sa mga aarestong pulis kahapon ng umaga sa nabatid na bayan.
Kinilala ang nasawing suspek na si Joefred Tinocao, 38, ng brgy. Ponso, na tatlong beses nang na-Oplan Tokhang subalit imbes na magbagong buhay ay mas pinili pang ipagpatuloy ang pagtutulak ng droga.
Ayon kay Chief Insp. Joseph Maribbay, hepe ng Polangui Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong alas-6:20 matapos magkaabutan ng P500 pera at droga, akmang aarestuhin na sana si Tinocao nang bigla itong magpaputok ng baril dahilan upang ratratin ng mga pulis na kaagad nitong ikinamatay.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang cal. .38, ilang sachet ng shabu at P500 marked money.