Sari-saring pananaw ang inilabas ng mga netizen at ilang sektor sa panukala ng Department of Health (DOH) na ipatupad ang “No vaccination, No Enrollment” sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.
Kasunod na rin ito ng kinakaharap na hamon ng DOH matapos magkaroon ng measles outbreak sa bansa dahil sa mga hindi nabakunahang mga sanggol at mga bata na isinisi sa takot na idinulot ng Dengvaxia controversy.
Pero may agam-agam dito ang Department of Education (DepEd) dahil hindi aniya puwedeng ipagkait ang karapatang mag-aral ng mga bata.
Maraming mga batang mahihirap ang masipag mag-aral at magiging sagabal ang plano ng DOH kung ipairal ito sa mga estudyante.
Pero magiging bentahe naman ito sa mga magulang na walang interes magpaaral sa kanilang mga anak dahil may dahilan na sila para i-enrol ang mga anak.
Bagama’t wala pang komento ang Malacañang sa plano ng DOH na “no vaccination, no enrollment”, magiging taliwas ito sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makapag-aral ang lahat ng mga batang Filipino.
Kaya isinulong ng gobyerno ang free education ay dahil sa hangarin ng kasalukuyang administrasyon na makapag-aral ang lahat ng mga Filipino ng walang iniintinding matinding gastos sa kanilang pag-aaral.
Mas makabubuti siguro sa DOH na pag-aralang mabuti ang kanilang plano ng hindi kailangang makompromiso ang karapatang mag-aral ng mga bata.
Para na rin kasing parusa sa mga batang hindi nabakunahan ang hindi pagtanggap sa kanila sa eskuwelahan gayong ang mga magulang ang dapat na kalampagin para sa mga bakunang dapat na matanggap ng kanilang mga anak.
Hindi puwedeng ikatwiran ang kahirapan dahil mayroong programa ang gobyerno para sa libreng bakuna kaya’t katamaran at pagiging iresponsable na ang dahilan o kaya ay kawalan ng pakialam ng mga magulang ang dahilan kapag hindi ito nagawa sa mga anak.
Para sa DOH, konting sipag pa para sa mas epektibong information campaign hinggil sa mga dapat malaman ng publiko tungkol sa bakuna at iba pang programa ng ahensiya na may kinalaman sa kalusugan ng mga Filipino.