Kapapasok pa lang ni LA Tenorio sa pool ng Gilas Pilipinas, alam na niyang maliit ang tsansa niyang mapasama sa final 12.
Pero inilaban ng point guard ang sarili para mapasok sa roster. Habang nasa Europe ang pool ay nagtrabaho siya sa twice-a-day practices.
‘Yun lang, hindi nagbunga ang kayod ng point guard ng Ginebra dahil nalaglag sila ni Calvin Abueva at naging alternates na, wala sa final 12 na isasabak ni coach Tab Baldwin sa Olympic Qualifying Tournament na sisiklab sa July 5 sa Manila.
Magaan sa loob ni Tenorio na hindi nasama sa final 12, respetado ang pinili ni Baldwin. Ipinagpapasalamat niya, kinausap siya ng national coach bago ang public announcement ng komposisyon ng team noong Linggo.
“Ang ina-appreciate ko, kinausap muna ako bago inilabas,” ani Tenorio. “‘Yun lang naman ang hiling ko from the start. Part ng respeto. Wala naman kasi silang masasabi sa akin, sinunod ko lahat ng ipinagawa nila sa akin. Naging good soldier ako.”
Size daw ang ikinunsidera ng coaching staff sa pagsagupa ng Gilas sa France at New Zealand sa Manila OQT.
“Walang masyadong sinabi, kailangan daw big lineup. Kaya ayun, he went for height daw. Pero I respect his decision,” dagdag ni Tenorio.
Wala si Paul Lee dahil sa knee injury, tinapik ni Baldwin sina Jayson Castro at Terrence Romeo bilang playmakers.
“Wala lang sigurong pure point guard. Pero ganu’n talaga, parang European basketball na kailangan ‘yung players multiple positions nailalaro,” lahad ni Tenorio, nangako ng suporta sa lahat ng games ng Gilas sa OQT.