Mga laro bukas (The Arena, San Juan)
1:00 p.m. — Sta. Elena vs. Café Lupe (m)
4:00 p.m. — BaliPure vs. Power Smashers (w)
6:30 p.m. — Perlas vs. Air Force (w)

All-Filipino na nagrambulan ang anim na teams sa triple-header ng opening day ng Premier Volleyball League Reinforced Conference nitong Linggo sa The Arena sa San Juan.

Walang import na isinalang ang bawat team, ­natengga muna ang reinforcements dahil ­hindi pa naire-release ng FIVB (International ­Volleyball Fede­ration) ang ITCs o International Transfer ­Certificate ng players.

Mga datihan na rin halos ang lahat ng imports na tinapik sa conference.

Bukas ang susunod na mga laro ng V-League, ­aabangan kung makakalaro na ang imports.

Samantala, sinikwat ng Perlas Spikers ang unang panalo matapos payukuin si Alyssa Valdez at ang Creamline Cool Smashers 23-25, 25-22, 25-19, 25-21 sa main game.

Tabla ang laro sa 1-1, naging matatag ang Lady Spikers sa dikdikang labanan sa third set kaya nakuha nila ang bentahe, 2-1 papasok ng fourth frame.

Kontrolado ng Perlas ang labanan sa first technical timeout sa third set 8-6 pero naagaw ng Cool Smashers ang manibela sa second TO, 15-16.

Matapos ang 19-all count, humarurot ang Lady Spikers ng 6-0 run para mamuro sa fourth set.

Pinasan ni former three-time UAAP MVP ­Valdez ang Creamline sa opening frame, pero nanatili ang focus ng Perlas sa laro para ikadena ang huling ­tatlong sets.

Naging pangunahing armas ng Perlas sina Dzi Gervacio at Amy Ahomiro para biguin ang tropa ni volleyball superstar Valdez.

Nagtala si Ahomiro ng 17 points kasama ang 10 attacks at five service aces, may 13 markers si ­Gervacio.