Walang Jaja Santiago na tumao sa gitna, pero hindi nabahag ang buntot ng National U Lady Bulldogs nang itakbo pa ang 25-10, 21-25, 25-16, 25-25 panalo laban sa Perpetual Help Lady Altas para sumampa na sa quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena kahapon.
Sa pagliban ni Santiago na nasa kabilang liga para giyahan ang kanyang team sa pakikisagupa sa winner-take-all ng titulo, rumesponde sina Roselyn Doria at Aiko Urdas nang maglista ng pinagsamang 29 hits para sa NU.
May mahahalagang bakas pang 12 at 11 points sina Risa Sato at Jasmine Nabor na namigay pa ng 62 excellent sets para sa defending champions, tinapos ang laro sa loob ng 1 hour, 38 minutes.
Walang bangas ang NU sa tatlong laro para sa solo-lead sa Group A at sinamahan ang FEU, UP at UST mula Group B sa susunod na round ng torneo na hatid ng Shakey’s at suportado ng Mikasa at Accel.
Huling asignatura ng Lady Bulldogs sa preliminations ang Ateneo sa Sabado.
Nag-rehistro si Lourdes Clemente ng 12 puntos at may seven si Jhonna Rosal para sa Perpetual na walang naipanalo sa apat na salang.
Sa pangalawang laro, sinuwag ng Far Eastern University Lady Tamaraws sa tatlong sets ang University of Sto. Tomas Golden Tigresses, 25-14, 25-18, 25-23 para saluhan sa tuktok ng Group B ang UP Lady Maroons sa 3-0.
Dumausdos ang Tigresses sa 2-2.