NO MORE EXTRA RICE!

JR Quinahan at Beu Belga

Ngayong tapos na ang Yeng Guiao era sa Rain or Shine, sini­mulan na rin ng Elasto Painters na baguhin ang team.

Pinakawalan ng Asian Coatings franchise ang dalawang key players nila mula sa champion team ng Commissioner’s Cup, umpisa ng pagbabagong-bihis bago ang susunod na PBA season sa November.

Ayon sa reliable sources, binigay ng RoS si prized guard Paul Lee sa Star kapalit ni two-time MVP James Yap.

Una rito ay pinamigay din ng team nina co-owners Raymond Yu at Terry Que si center-forward JR Quinahan sa GlobalPort kapalit ni Jay Washington.

Hindi daw maisara ng Rain or Shine management ang deal kay former Rookie of the Year Lee na bagong three-year maximum contract. Nasel­yuhan daw ang deal sa meeting nina RoS governor Atty. Mert Mondra­gon at Star team manager Alvin Patrimonio.

“It’s a done deal,” anang source.

Nagkaroon din umano ng standoff sa negosasyon sa kontrata ni Quinahan at ng E-Painters. Hindi raw kumagat ang RoS sa gusto ni Quinahan na bagong two-year, max deal. Sinasabing one year contract ang ini-o-offer kay Quinahan.

Wala na si Quinahan, lusaw na rin ang “Extra Rice, Inc.” frontcourt partnership nila ng kapwa-big man na si Beau Belga sa RoS. Parehong brusko at balyador ang dalawa na mahilig daw kumain kaya nabansagang Extra Rice Inc. Mag-uusap pa muli sa Lunes sina Belga at management para sa bagong three-year deal nito.

Ilang araw pa lang ang nakakaraan ay tumawid si Guiao sa NLEX matapos giyahan ang Rain or Shine sa dala­wang titulo at nine straight semifinals appearances sa loob ng anim na taon.

Si Lee ang Finals MVP ng midseason Commissioner’s Cup nang talunin ng Painters ang Alaska.

Isa pang magkakaroon ng bagong kontrata sa RoS si Gabe Norwood, isa pang mahalagang piyesa sa playoff runs ng E-Painters.