May dalawang session pang iniskedyul ang Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. bago i-finalize sa Biyernes ng hapon ang komposisyon ng ­national women’s at men’s ­volleyball teams.

Sa PSA Forum sa Golden Phoenix Hotel sa Pasay, sinabi nina LVPI president Joey ­Romasanta at acting president Pedro Cayco na natapyas lang ang 25 females at 21 males at naging tig-18 na ang national training pool. Dito kukunin ang final 12 na isasagupa sa SEA Games sa Kuala Lumpur sa August 19-31, isasabak din ang women’s squad sa Asian Women’s Volleyball Championship sa Aug. 9-17 na ihu-host ng bansa.

Unang sinabi na ­huling basehan sa ­bubuuing teams ang Clash of ­Heroes exhibition matches sa The Arena sa San Juan noong Lunes.

“Tomorrow and Thursday practice sessions will be very crucial. Then on Thursday night, coaches will meet to decide on the lineup to be announced Friday afternoon,” lahad ni Cayco sa forum na hatid ng San Miguel Corp., Golden Phoenix Hotel, Accel at Pagcor.

Alas-dos ng hapon sa Arellano University sa Pasay ang tryouts.

Isusumite ang mga pangalan sa Kuala ­Lumpur SEA Games ­organizers bago iti-trim sa final 12.

Nasa women’s pool sina Alyssa Valdez, Mika Reyes, Jaja Santiago, Kim Fajardo, Lourdes Cle­mente, Denden Lazaro, Rachel Anne Daquis, Maika Ortiz, Dindin ­Manabat, Rhea Dimaculangan, Aiza Pontillas, Ria Meneses, Myla Pablo, Jovelyn Gonzaga, Maddie Madayag, Kat Tolentino, Kym Dy, Dawn Macandili, Genevieve Casugod, Bia General, Roselle Baliton, Kathleen Arado, Elaine Kasilag, Aby Marano at Grethcel Soltones.

Wala sa Clash of ­Heroes ang ilan sa pool sa pangunguna ni Valdez na hindi pinayagan ng team niyang Creamline sa ­Premier Volleyball League.