NO TOMORROW!

Mga laro ngayon (MOA Arena)
1:00 p.m. — San Beda vs. ­Arellano (jrs)
3:45 p.m. — San Beda vs. Perpetual­ (srs)

Wala nang bukas para sa Perpetual­ at San Beda, rambulan ang dalawa para pag-agawan ang huling silya sa Finals ng 92nd NCAA men’s basketball mamaya sa Mall of Asia Arena.

Nahaharap sa elimination, buong giting na nakipagpukpukan ang No. 4 Altas at naungusan ang San Beda, 87-83, sa opener ng semifinals. Nasagad ang twice-to-beat ng No. 1 Red Lions, nakapuwersa ng rubber match ang Altas para desisyunan ang haharap sa Arellano U Chiefs sa ­championship.

Unang bumiyahe sa finals ang No. 2 Chiefs, hindi inaksaya ang twice-to-beat edge nang kalusin sa isang bigwasan lang ang No. 3 Mapua, 92-80, sa Final Four noong Biyernes.

Sa panalo ay natuldukan din ng mga taga-Las Piñas ang sunud-sunod na F4 losses sa mga taga-Mendiola na ginawang suki ang Perpetual noong 2012-2014. Iniregalo rin ng Altas ang unang Final Four defeat ng Lions sapul nang masilat sa Cardinals, 53-51, walong seasons na ang nakakaraan.

Pero sa series na iyon ay bumawi sa sumunod na game ang Beda para bumiyahe rin sa finals. Sa pang-11 sunod na season ay hindi nabali ang tradisyon ng Red Lions na maging No. 1 team pagkatapos ng elims. At hindi pa sila pumapalya sa finals sa nakalipas na isang dekada.

“Expect us to come back stronger and better,” banta ni San Beda coach Jamike Jarin sa bisperas ng winner-take-all.

Sakaling makumpleto ng Perpetual­ ang dominasyon, sila ang magiging No. 4 seed na sisipa sa No. 1 mula nang magkaroon ng Final Four format noong 1998.

Huling nakarating sa finals ang Altas walong taon na rin ang nakakaraan pero yumuko sa PCU.

“We’ve come this far so we’ll ­definitely go for it,” deklarasyon ni Perpetual Help coach Jimwell Gican.