‘No wangwang’ ni Aquino, may bisa pa – Duterte

wangwang-duterte

Dahil tila nagkakalimutan, ipinaalala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng gobyerno ang pagbabawal sa paggamit ng “wangwang” para makalibre sa traffic.

Sa kanyang talumpati sa Mulanay, Quezon, sinabi ng Pangulo na mananatili ang “no wangwang” po­licy o sirena ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Nakatanggap aniya ito ng report na may mga makakapal ang mukhang pulitiko na gumagamit ng wangwang para manghawi ng mga motorista at makalusot sa traffic.

“Sabi nila bumabalik ang siren. There’s an order, kay Aquino pa ‘yan. I’d like to maintain that policy,” anang Pangulo.

Ang anti-wang wang policy ay ipinatupad ni da­ting Pangulong Aquino noong 2010 para maalis ang mentalidad ng mga pulitiko at ilang personalidad na nanggugulang sa ibang motorista dahil sila ay nasa kapangyarihan.

Bihirang bumiyahe si Pangulong Duterte sakay ng presidential car at may kasamang convoy kapag nasa Metro Manila dahil ayaw niyang makaabala.