Noelle Conchita Corazon ‘Bien’ Zoleta-Mañalac Astig na soft netter

Malaking importansya ang binigay ni national team member Noelle Conchita Corazon ‘Bien’ Zoleta-Mañalac para sa soft tennis na nagbukas ng maraming oportunidad sa kanya.

Maraming beses nang kinatawan ng 30-anyos, tubong Lucena City, at pangatlo sa apat na supling ng real estate broker at housewife, na soft netter ang bansa sa iba’t ibang international competitions.

Ilan sa mga greatest achievement niya sapul nang mapabilang sa PH soft tennis team noong 2007 ay ang pagkasungkit ng bronze medal sa 15th World Soft Tennis Championship 2015 sa New Delhi, India, at dalawang gold medal sa 30th Southeast Asian Games Philippines 2019 nito lang Nobyembre 30-Disyembre 11.

‘Di rin biro ang mga sinakripisyo ng dating national (lawn) tennis player kung saan napalayo ito sa kanyang pamilya sa Quezon Province para lang maipagpatuloy ang career sa nasabing sport.

Nu’ng nag-aaral pa siya sa sa ­College of Saint Benilde sa Malate, Manila at lumaro sa National Collegiate Athletic ­Association, tiniyak ni Zoleta-Mañalac na balanse ang pag-aaral at playing-career.

Magkalayo rin si Zoleta-Mañalac at athlete na asawa na nasa Boracay, pero sinisiguro niya ang kanilang quality time kapag off-season.

Nasuklian naman lahat ang paghihirap ni Bien sa ­pagiging atleta kung saan nakapagpundar na siya ng sasakyan, nakapag-ipon na rin at bahagi pa ng national contingent na nag-overall champion sa katatapos na SEA Games.

Kung dumating na ang oras ng pagreretiro, nais niyang makahikayat ng maraming tao na subukan ang soft tennis.

“Advocacy ko talaga is education through sports kasi grumaduate ako ng Benilde na scholar 100%. Nakita ko na ang sports, na dahil sa sports puwede kang makapag-aral ng walang binabayaran. Lalo ngayon, mahirap mag-aral, mahal, malaki ang gastos,” aniya.

*Ang soft tennis ay isang racket game na nilalaro sa magka­bilang court na may net sa gitna. Gaya ito ng regular tennis na may individuals (singles) o pairs (doubles), mixed at team events. Pinapalo ng soft netter ang bola sa ibabaw ng net.

***
Q&A

Abante TONITE: Anong pa­kiramdam tuwing ­ire-represent mo ang bansa?
Bien: Bawat time na nire-represent ko ang country, lalo na kapag suot ko na ang uniform namin, siyempre very privileged, very honored ‘yon kasi ‘di lahat ng atleta ay nare-represent ang bansa. Dati hanggang sa STAA,
Palarong Pambansa, NCAA, tapos ngayon umabot na ako sa national team tapos nagme-medal pa ako kaya parang sa sports lagi kang nabibigyan maging great. kaya para sa akin ang sports binibigyan ka niya ng meaning, ng purpose kaya masaya ako na ‘yung path ko or direction ng life ko is umikot ako sa sports kasi nagkaroon ng meaning ‘yung life ko.”

Abante TONITE: Paano ka, o ang team naghahanda sa bawat kompetisyon?
Bien: Sa SEA Games na ito ang dami namin ngayong dinagdag compare sa iba naming preparation kasi meron kaming strengthening and conditioning,­ nutrition, pyschologist, pero ‘yung pinaka-importante ‘yung mental eh. Puro kami training sa abroad. Masaya at pasalamat kami sa PSC (PH Sports Commission) sinusportahan nila kami sa kung ano ‘yung mga request namin, kung ano ‘yung kailangan namin binigay naman nila. ‘Yung tournaments na kailangan rin namin paglaruan, ina-approve din nila.”

Abante TONITE: Paano mo hihikayatin ang mga bata na subukan ang soft tennis?

Bien: Well, kung gusto ng mga young athletes or mga tennis player na mag-soft tennis, kung gusto nila ng mas challenging na sports lalo na sa compared to tennis, try nila ang soft tennis kasi sa soft tennis (may) flexi­bility, discipline, more challenging. Matsa-challenge ka talaga.”