Nograles: Trabaho kami kahit Semana Santa

Tuloy ang trabaho ng mga opisyal ng gobyerno kahit pa sa panahon ng Holy Week o Semana Santa.

Ito ang inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa harap ng krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Nograles, walang Holy Week break ang Inter-Agency Task Force for on Emerging Infectious Diseases kaya tuloy-tuloy lang ang kanilang trabaho para maharap ang paglutas sa problema sa COVID-19.

“Hindi kami exempted sa trabaho kahit Holy Week. Buhay ng mga kababayan natin ang nakasalalay dito so if we need to work, we will work. Walang Holy Week break. Actually walang break ang IATF,” ani Nograles.

Papatak ang Holy Week sa Abril 9-10 na sakop pa ng isang buwang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Bagamat ang Mahal na Araw ang isa sa sinasamantala ng maraming Pilipino para makapamasyal sa beach o kaya sa mga tourist spot, posibleng hindi ito magawa ng maraming taga-Luzon dahil sa mahigpit na implementasyon ng enhanced community quarantine.(Aileen Taliping)