Inakay ni Mark Nonoy ang University of Santo Tomas Growling Tigers nang sakmalin ang ikatlong sunod na panalo nang padapain ang Cignal-Ateneo Blue Eagles 112-98 sa 2019 PBA D-League Huwebes sa Ynares Sports Arena.
Pumukol ng 23 puntos si Nonoy, kabilang na ang apat na tres sa second half, may sahog pang anim na rebounds at tatlong assists habang umayuda naman si Rhenz Abando ng 21 puntos at 20 puntos naman kay Soulemane Chabi-yo.
“Ang mindset namin dito sa game namin is ma-cage lang namin kung saan na kami eh. They (Ateneo) are the best collegiate team dito sa atin. Ang gusto lang namin magpasukat lang, good thing naglaro naman ng maayos ‘yung mga bata,” ani UST coach Aldin Ayo.
Sinamantala ng España-based squad ang pagkawala nina Ange Kouame maging ang head coach ng tropa na si Tab Baldwin pero hindi pa rin ito naging madali dahil balik-tropa si Thirdy Ravena.
Sa unang canto palang ay pakitang-gilas na ang Blue Eagles sa pagpapabibo nina Thirdy Ravena at Matt Nieto hanggang sa itarak nito ang siyam na puntos na bentahe, 32-21 sa pagtatapos first pero nagiba ang lahat sa second.
Sa second quarter nahabol ng UST ang Ateneo at naiposte ang 9-0 run para nakawin ang kalamangan 45-42 at tapusin ang first half ng tabla sa 52.
Sa second half ng nagsimulang umalagwa ang Growling Tigers at sunod-sunod na itong nagpaulan ng malulupit na tres sa pangunana nina Nonoy, Abando at Renzo Subido.
“Yung practice plan namin laging naka-focus dun sa skills. So, it’s pre-season ngayon, it’s all about on making the players better in terms of skill,” dagdag nito.
Hindi na lumingon ang UST at tinuloy-tuloy nito ang pag-ariba hanggang iwan nito sa ere ang Cignal-Ateneo at si Chabi-yo ang nagselyo ng panalo sa tulong ng dalawang free throws nito.