Norman, Aaron nagsama sa Bolts

Kinumpleto ng Meralco Bolts ang kabuuan nitong 15-man roster ilang oras bago nagdesisyon ang PBA na tuluyang kanselahin ang kabubukas pa lamang nito na ika-45 season dahil na paglawak at lumalalang sitwasyon na dala ng nakamamatay na sakit na novel coronavirus disease o COVID-19.

Pinapirma ng Bolts ang mga rookie draftee na sina Aaron Black at Michael Canete upang punuin ang huling dalawa na natitirang silya sa kanilang lineup sa season-opening ngunit indefinitely suspended na 2020 Philippine Cup.

Ipinaalam ni Bolts team manager Paolo Trillo na ang dalawang player ay umayon sa isang taong kontrata, isang araw bago nagdesisyon ang liga na itigil ang laro ng kasisimula pa lang na torneo.

Si Aaron, anak ni Meralco coach Norman Black, ay napili sa ikalawang round (18th overall) sa nakalipas na taong draft, habang si Canete ay naging third-round selection sa No. 29.

Napabilang sa kasaysayan ang pagkakasama nina Norman at Aaron bilang mag-ama na nagkasama sa isang prangkisa sapol noong huling mangyari kina dating MVP at coach Ato Agustin na hinawakan ang anak na rookie na si Marc Agustin sa Petron noong 2012 Commissioner’s Cup.

Pinakaunang naitala sa kasaysayan ng liga ang pagsasama ng tinaguriang The Living Legend na si Robert Jaworski Sr. at Robert ‘Dudut’ Jaworski bilang unang father-and-son tandem na naglaro sa liga sa ilalim ng Ginebra San Miguel noong dekada 90s at magkasamang nagwagi ng titulo noong 1997 Commissioner’s Cup.

Nakabilang din sa kasaysayan si Black matapos makasama ang stepson na si Chris Tan, na kung saan nagawa nito na magwagi ng titulo para sa Sta. Lucia Realty noong 2001 Governor’s Cup. Ang krusyal na three-pointer ni Tan sa huling tatlong segundo ng Game 6 ang nagtulak sa Realtors sa pinakauna nitong titulo sa PBA. (Lito Oredo)