NorthPort ‘di puwedeNG balewalain — Arwind

Sinagad ng No. 7 San Miguel Beer ang twice-to-beat ng No. 2 NorthPort sa bisa ng 98-84 win nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Babalik ang magkatunggali sa Big Dome mamaya para pag-agawan ang isang silya sa best-of-five semifinals ng PBA Commissioner’s Cup.

Nakaisa pero ‘di puwedeng magkompiyansa ang Beermen, ayon kay veteran forward Arwind Santos ay respetado nila ang Batang Pier.

“Kahit natalo namin sila, respeto nandu’n pa rin,” wika ng SMM forward. “’Di puwedeng balewalain dahil malakas din sila.”

Tulad ng ginawa nila noong Linggo, gusto ni San Miguel coach Leo Austria na umpisa pa lang ay umariba na ang kanyang team.

“Sa tingin ko, when it comes to talent, may advantage kami, eh” puna ni Austria. “Kailangan ‘yung first half pa lang makipagbakbakan ka na. Para lalabas at lalabas superiority mo sa talent.”

‘Di puwedeng pumikit, kailangang sabayan ang enerhiya ng Batang Pier.
Bukod sa opensa nina Robert Bolick, Mo Tautuaa at Sean Anthony, kailangang maalpasan ng Beermen ang depensa ni Prince Ibeh.

Halimaw sa shaded lane ang NorthPort import, noong huli ay may 7 swats bago na-fouled out sa final 3:43 na may 12 points at 13 rebounds.

Tinawag ni Austria si Ibeh na ‘human eraser’ dahil sa intimidasyon nito sa ilalim ng basket.

“Ang hirap umopensa dahil kailangan mag-click ‘yung perimeter namin dahil ang hirap tumira sa loob, eh” bulalas ni Austria. “May human eraser doon. Kaya hirap na hirap, especially si June Mar (Fajardo). ‘Di niya makuha advantage eh.”

Kagandahan ay may triple tower ang SMB kina Fajardo, Christian Standhardinger at Chris McCullough, sa perimeter sina Santos, Chris Ross, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Terrence Romeo. (Vladi Eduarte)