Baka matuloy na ang PBA Commissioner’s Cup debut ni Stanley Pringle mamaya sa pagharap ng NorthPort sa TNT KaTropa sa Mall of Asia Arena.

Sa unang dalawang laro ng Batang Pier, cheerer lang si P­ringle habang nagrerekober mula operasyon sa paa para tanggalan ng bone spurs.

Naka-unimporme na si Pringle sa huling laro kontra NLEX noong Sabado pero ‘di pa sinalang ni coach Pido Jarencio.

“May pain pa raw,” anang coach pagkatapos ng Road Warriors game. “By Wednesday ready na ‘yun.”

Kahit wala si Pringle, naitawid ng NorthPort ang 83-79 win kontra NLEX kasunod ng 103-81 demolition sa Alaska noong May 22.

Sa kabayanihan ni Sean A­nthony sa dulo ay natakasan ng NorthPort ang Road Warriors. Maganda rin ang dine-deliver nina rookie Robert Bolick at Mo Tautuaa pang-ayuda kay import Prince Ibeh na may 15 points at 19 rebounds noong huli.

Kailangan ng Batang Pier ang enerhiya ng do-it-all guard dahil humaharabas din ang TNT, pareho nilang walang talo sa dalawang laro.

Sumasakay ang KaTropa sa likod ni NBA veteran Terrence Jones na umiskor ng 41 at 43 sa dalawang panalo. Suportado siya nina Jayson Castro, RR Pogoy at Troy Rosario.(Vladi Eduarte)